Thursday, November 26, 2015

Tanim Bala (2015)

Plataporma: Android
Manlilikha: Kulit Games

Simple lamang ang mekanismo ng larong "Tanim Bala". May dalawang buton sa screen, sa kaliwa at sa kanan. Ang pagpindot ng mga buton na ito ay nagagawa mong makontrol ang isang pasaherong papasok sa NAIA. Gagalaw siya pakaliwa't pakanan upang maiwasan niya ang nahuhulog na balang inihuhulog ng airport security. Simple lang ang kailangang gawin, iwasan ang nahuhulog na mga bala.

Simple lamang ang laro at maaaring akusahan ang gumawa ng laro ng pakikisakay sa isyung pumutok tungkol sa tanim-bala. Ngunit interesante para sa akin ang laro dahil, bukod sa pagiging isang bagay na pampalipas oras, sumasabay ito sa damdamin ng nakararami at nagiging lunsaran ng kritisismo at komentaryo tungkol sa politikal na isyung ito. Maaaring topical o madaling malaos ang paksa ng laro ngunit nakikita ko itong isang hakbang tungo sa ebolusyon ng videogame. Kaya't pag-uusapan ko ngayon ang karanasan ng paglalaro ng "Tanim Bala" at kung paano ang bawat disenyo nito ay nagtutungo o nanggagaling sa isang higit na malalim na karanasang panlipunan.


Mula ang imahen sa Goole Play Page ng "Tanim Bala"

Una, ang sining. Tila cartoon ang sining na ginagamit ng laro. Eksaherado itsura ng pasahero. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang kaniyang kaba at pag-aalala habang bitbit ang kaniyang bag. Nasa ibaba ng screen ang pasahero at nakatingala siya sa itaas kung saan naroon ang airport security ang maghuhulog ng bala sa kaniyang direksiyon. Ang mata ng pasahero ay tila mata ng mga tunay na pasahero sa airport--mapagmatyag at walang tiwala sa airport security.

Nariyan naman ang airport security. Nakangisi at alam mong may masamang intensiyon. Sinasalamin nito ang tila pagsasakontrabida sa kanila dahil sa pagsisiwalat ng posibleng sindikato na nagtatanim ng bala sa totoong buhay. Komikal ang hitsura ng airport security at dinadagdagan ito ng tunog na tulad ng naririnig sa 8-bit na mga laro sa NES.

At ang mismong paglalaro ay sumasalamin sa pakiwari ng mga pasaherong nasa airport. Alangan ang paggalaw. Hindi mo alam kung saang direksiyon ka gagalaw. Ngunit nariyan ang mga bala na kailangan mong iwasan. Madulas ang kontrol na tila ba wala ka talagang kontrol sa galaw ng pasahero tulad ng tila wala kang kontrol kapag nabitag ka na sa galamay ng sindikato. At limitado lang talaga ang galaw ng pasahero. Kaliwa't kanan lang. Hindi niya kayang tumalon. Walang power up o special powers. Sa ganito'y lumilikha ng tensiyon ang laro para sa manlalaro. Isang bala lang ay tapos na ang laro.


Screen capture ng laro kapag nataniman ka na ng bala.

Nakakakuha ka ng puntos sa bawat balang maiiwasan mo ngunit habang tumatagal, parami nang parami ang balang mahuhulog. At ang tanong ay hindi kung makakatakas ka ba kundi kailan ka matataniman ng bala. Na tila wala talagang kawala ang mga pasahero sa pagtatanim ng bala. Ang tanong lang ay kung kailan ito mangyayari. At ang tanging paraan para hindi ka mataniman ng bala ay kung matitigil ang paglalaglag nito sa kamay ng mga sindikatong nanghihing ng $1,000.

Panimula

Matagal na akong hindi naglalaro ng videogames. O mas tamang sabihin, matagal ko nang hindi sineseryoso ang videogames. Naaalala ko pa ang panahon na bumibili pa ako ng mga magasin tungkol sa videogame. Noong bata pa ako (parang ang tanda ko na), mas maraming panahon pa ang ginugugol ko sa paglalaro ng videogames o pagbabasa ng mga bagay-bagay tungkol sa videogames sa halip na mag-aral. Naaalala ko pa ang panahon na ginusto kong magsulat at gumawa ng mga videogames.

Pero nagbago ang tunguhin ng buhay ko. Nagsimula akong magsulat. Nag-aral ng panitikan. Naging guro ako ng pantikan at kultura. At nawalan ako ng panahon sa paglalaro. O mas tamang sabihin nga ay hindi ko na sineseryoso ang paglalaro. Ang huli kong sineryosong laro ay Final Fantasy XII. At hindi ko pa iyon natapos. Huli ko ata iyong nagalaw noong 2009. Pero hindi naman talaga ako tumigil maglaro. Dahil naglalaro pa rin naman ako. Candy Crush Saga. Plants vs. Zombies 1 & 2. SimCity: Build It. Fallout Shelter. At nang malaman kong puwede at kaya pala ng selfon ko ay nag-install ako ng mga emulator sa aking selfon para maglaro ng mga lumang Final Fantasy. Sa selfon ko ngayon ay nilalaro ang Final Fantasy Tactics: War of Lions.

Kaya ang blog na ito ay isang pagtatangka na muling seryosohin ang karanasan na ito ng paglalaro ng videogames. At sa mga taon na hindi ako naglalaro ay marami na ang nangyari sa larangan ng videogames. Maraming makina na ang lumabas. PS2 at Wii ang huli kong pinagmay-ari na mga makina. Ngayon ay lumbas na ang PS3 at PS4. Nagkaroon na ng PSP, ng Nintendo DS at DS 3D. Nagbabago na rin ang kalagayan ng ekonomiya at kalagayan ng paggawa ng videogames. Umuusbong na ang tinatawag na indei videogames. Kinakaharap ng mga malalaking kumpanya na gumagawa ng mga videogames ang paglaki ng gastusin. Umusbong ang free-to-play na paglalaro sa Internet at sa selfon. Nagiging higit na masalimuot na rin ang teoretikal na pag-unawa sa videogames. Hindi na lamang ito pinag-aaralan sa larangan ng programming at computer science. Nagiging mahahalaga ang disenyo at estetika. Pumapasok na rin ang usapin ang pilosopiya, teoryang pampanitika, at araling kultural sa pag-aaral ng videogames. Hindi na tulad ng dati na tinitingnan ang videogames bilang simplistikong masama o mabuti para sa iyo. Pumapasok ang usaping politikal tungkol sa kapangyarihan, kasarian, at lahi. Sa ganitong konteksto ko nais bumalik sa pagseseryoso ng paglalaro ng videogames.

Ewan ko lang kung may patutunguhan ang blog na ito. Sana mayroon. Sa ngayon, magbabalik lang ako sa paglalaro.