Friday, February 19, 2016

Babasahin: Reading on Screen: The New Media Sphere

Nakatoka sa akin para sa klase ko sa Pan Pil 381 ang digital literatures at digital humanities. At dahil kaugnay din naman ang mga binabasa ko dito sa paksa ng blog, ipo-post ko dito ang mga ideyang nasagap ko sa mga babasahin ko na ire-report ko.

Karamihan ng mga sanaysay ay galing sa aklat na A Companion to Digital Literary Studies. Isa sa mga una kong binasang sanaysay ay ang "Reading on Screen: The New Media Sphere" ni Christian Vandendorpe. Tinatalakay ni Vandendorpe ang transisyon ng pagbasa mula papel tungong screen at kung paano magkaiba ang dalawang medium. Ayon kay Vandendorpe, nagsimulang maging popular ang tinatawag na codex, o aklat na nahahati sa mga pahina, ay naging popular noong unti-unting kumakalat ang Kristiyanismo sa Imperyong Romano. Ito ang dahilan kung bakit nawala na ang volumen o scroll bilang popular na medium ng paglalathala. Tinutukoy din ang pagkakaiba ng karanasan ng pagbasa nito--maaaring mabasa ang codex nang isang kamay lang, madaling matukoy ang isang bahagi, at iba. At magpapatuloy ang dominasyon nito bilang medium dahil sa pagkakaimbento ng makinang imprenta.

Sa pagkakaimbento ng mga personal na kompiyuter, nagkaroon na ng bagong medium ng pagbabasa bukod sa libro. Nang maging popular ang Internet, naging madali ang pagpapasa-pasa ng mga dokumento. Bagaman lumalaki ang oras na iniaalay ng mga tao sa pagbabasa harap ng screen--15 oras bawat linggo sa Estados Unidos noong 2006--hindi pantay-pantay ang pagbabasa na ito at nananatili iba sa pagbabasa na madalas ginagawa sa isang aklat. Tinutukoy ni Vandendorpe ang tatlong uri ng pagbabasa na madalas nangyayari sa screen--grazing, browsing, at hunting. Sa grazing, binabasa mo ang isang akda nang buo at masinsinan. Sa browsing, pinapasadahan mo ang isang akda nang walang partikular na hinahanap. Habang ang hunting ay pinapasadahan mo ang isang akda nang may hinahanap kang partikular na impormasyong hinahanap. Ginagawa naman ito sa mga pisikal na aklat ngunit nagiging higit na palasak ang browsing at hunting dahil sa katangian ng pagbabasa sa screen at pag-usbong ng mga search engine.

Tinutukoy din ni Vandendorpe na hindi naging madali ang pagbasa sa screen noong simula. Hindi pa ganoong kaganda ang mga screen at mahirap talagang basahin ang mga titik. Ngunit maiimbento, kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya ng screen, ng mga bagong font at typeface, madalas serif, na ginawa para talaga sa screen tulad ng Georgia ar Verdana. Ginagaya pa ng screen ang dominanteng tipo sa mga lathalain. Ngunit naging higit na popular na ang mga san serif na tipo.

Pagdating sa paggamit, nawala ang mga mabubuting disenyo na mayroon sa codex kapag screen ang ginagamit. Bumabalik ang scroll sa screen ngunit binibigyan nito ang mambabasa ng mas kaunting kontrol sa karanasan. May mga programa, tulad ng MS Word at PDF, na tinatangkang gayahin ang anyo ng codex.

Isa pang natatanging pagkakaiba ng imprenta at screen ay ang posiblidad ng hypertext. Dito'y nagiging mas interaktibo ang pagbabasa ng teksto sa screen. Nili-link ng hypertext ang isang teksto sa iba pang teksto. Naging popular ito sa pagbabasa ng web page sa Internet. Gamit ng hypertext, nagiging madali ang pag-uugnay ng mga dati'y mahirap na iugnay na mga teksto sa isa't isa.

Problematiko naman ang paglikha ng column sa isang screen dahil iba ang katangian nito kumpara sa papel, lalo na sa mga diyaryo na gumagamit ng maraming column para sa disenyo nito.

Sa huli, binabanggit ni Vandendorpe ang pagkakalikha ng ebook, isang device na ginawa lamang para sa pagbabasa. Hindi pa lumalabas ang Amazon Kindle noong mga panahong isinusulat ang sanaysay ngunit umuusbong na ang teknolohiya ng digital paper o e-ink. At hinakaha na niya, na nangyayari na ngayon, ang posiblidad ng pagtransisyon mula print patungong elektroniko at kailangang umayon ang mga manunulat at mambabasa sa isang bagong realidad.

Tuesday, February 2, 2016

Go Duterte (2015)

Plataporma: Android
Manlilikha: Kulit Games

Siguro kailangan kong bawiin, o rebisahin, ang sinabi ko noong huli kong post tungkol sa larong "Tanim-Bala". Ang sinabi, and i-quote myself,

Ngunit interesante para sa akin ang laro dahil, bukod sa pagiging isang bagay na pampalipas oras, sumasabay ito sa damdamin ng nakararami at nagiging lunsaran ng kritisismo at komentaryo tungkol sa politikal na isyung ito. Maaaring topical o madaling malaos ang paksa ng laro ngunit nakikita ko itong isang hakbang tungo sa ebolusyon ng videogame. Kaya't pag-uusapan ko ngayon ang karanasan ng paglalaro ng "Tanim Bala" at kung paano ang bawat disenyo nito ay nagtutungo o nanggagaling sa isang higit na malalim na karanasang panlipunan.

Umaasa ako na sa darating na panahon, magiging lunsaran ang video games tungo sa mas malalim na pagtalakay sa mga isyung panlipunan, mga politikal na usapin, at matimpiing pagmumuni sa kalagayang Filipino. Ngunit, sa kabilang, siguro maaari na ring asahan na lumabas, hindi ang masining o mapagmuni, kundi mga video game na masasabing nakakabahala dahil anyo sila ng propaganda.

Isang larong propaganda ang "Go Duterte". Kinukuha mo ang posisyon ni Rodrigo Duterte. May apat nabuton ang maaari mong pindutin, lima kung na-unlock mo na ang bomba. Ang dalawa ay para gumalaw ka pakanan o pakaliwa. Ang pangatlo ay pipindutin mo kung gusto mong magpalit ng baril. Ang pang-apat ay para mambaril. Nakatayo ka sa isang patag na lupa at magdadatingan ang mga kriminal mula sa kanan at kaliwa. Maglalakad ang mga kriminal papunta sa iyo/kay Duterte at kailangan mo silang mapatay bago sila makalapit at bawasan ang iyong health bar.



Propaganda ang laro kinukuha ng manlalaro ang katauhan ni Duterte. Inilalahad si Duterte bilang isang tila superhero na kumakalaban sa mga kriminal. Maaari kang mamamatay pero sinasabi ng laro mismo na okey lang iyon, maaari mong ulitin ang paglalaro. Tila sinasabing, hindi mamamatay si Duterte o hindi siya titigil upang puksain ang mga kriminal. Ibang-iba ito sa posisyon na kinukuha ng manlalaro sa Tanim-Bala kung saan wala siyang kapangyarihan laban sa mapaniil na korupsiyon sa kaniyang paligid. Dito, maaaring matalo ang kriminal basta may baril ka.



Ito pa ang isa ding nakakabahala sa laro, ang kaduda-duang etika nito. Una, bakit mo kailangan ng baril? Bakit karahasan ang natatanging sagot laban sa kriminalidad? Pangalawa, hindi ipinapaliwanag ang dahilan ng kriminalidad. Bakit may kriminal? Bakit sila basta-basta na lamang sumusulpot sa paligid? Tila mga insekto ang mga kriminal at kailangan silang puksain gamit ng dahas.



Ang optimistikong sinabi ko noong una ay medyo nabawasan dahil sa larong ito. Ngunit umaasa pa rin ako na maaaring magdulot ang pagbubukas ng teknolohiya para sa isang third world na bansa tulad ng Pilipinas na pag-usbong ng sining ng video games dito. Pero sana hindi sa direksiyon na pinupuntahan ng mga larong tulad ng "Go Duterte".